Bakit ba karamihan sa mga tao ngayon ay sigurista pagdating sa mga relasyon, desisyon sa buhay, ideya, at marami pang bagay? May napapala ba ang hindi marunong magtaya? Totoong pag-ibig ba kung hindi ibinibigay ang lahat? Sino ang mas talo sa pagitan ng sumubok ngunit nabigo at ng hindi man lamang lumaban?
Bago ninyo isipin na ako ay namimilosopiya bunga ng pagbubukas ng semestre lalo na dahil sa titulo na hango sa dakilang si Padre Ferriols, lilinawin ko lang, ang pagmumuni-muning ito ay dala lang ng kababawan, ng panonood ng For Love or Money 3. Hehehe... Pero pagbigyan niyo na. Mabuti na ring may napulot akong konting kalaliman sa konting kababawan. At nais kong mag-Tagalog ngayon. Bakit? Wala lang. Basta magbasa na lamang kayo.
Ganito kasi, pinili ni Preston ('yung searchee na sabi ko na nga dati hindi ko masyadong gusto, lalong hindi ko gusto ngayon) si Rachel (ang buwisit na manlolokong babae) kaysa kay Rebekah (ang gusto ko sanang manalo dahil mabait, maganda, at simple lang). Nalalabuan nga ako eh kasi mula pa sa simula ay pinakita na ni Preston na gusto niya ang parehong babae. Pero sa trio fantasy date nila ay hindi marunong makisama si Rachel. Napakasayang kasama naman ni Rebekah at sila ni Preston ay nag-enjoy ng husto. Akala ko tuloy, si Rebekah na talaga ang pipiliin. Aba, akalain mo, si Rachel the great b*tch pa ang napili. Nung nanonood ako, bigla akong napa-huh?
Ang sabi ni Preston sa confessional: "I had to choose the girl who was most sold on me." Eh siyempre 'yung nagkukunwari ang talagang nagpapakita ng intensiyon sa kanya, hindi nga lang niya alam na may masamang balak.
fpejfekbfiuehfewkbfcweyhf!!!!!! Nainis talaga ako! Tama ba naman 'yun? Akala ko ba eh pag-ibig at hindi pera ang layunin ng lalaking ito sa palabas na iyon? Pinangangalandakan pa niya sa mga confessional sessions niya dati. Tapos ngayon, eto.
Nang humupa na ang buwisit ko eh naisip ko, napaka-tipikal ng ginawa ni Preston. Kaharap ng dalawang babae na gusto niya at gusto naman siya, isinakripisyo niya ang mas gusto niya, ang mas mabuting ugali, ang posibleng mas malalim na koneksiyon para lamang sa higit na kasiguraduhan. Naisip niya siguro na mas may pag-asa siya sa isang milyong dolyares kay Rachel kung ito ang matira sa huli. Hindi talaga patas! Mali! Nakakainis!
Alam kong wala akong karapatang mag-alburoto at wala naman talagang may pakialam sa paga-alboroto ko (ginagawa ko lang ito para mabawasan ang init ng ulo) pero pasensiya na, hindi ko talaga mapigilang hindi kwestiyunin ang pangyayari.
Hindi ako makapagsasalita ng tapos at inirerespeto ko ang kaibahan ng mga bagay na pinapahalagahan ng bawat tao pero kung ako ang nasa posisyon ni Preston, pipiliin ko ang sinasabi ng isip ko at isinisigaw ng kalooban ko kahit na iyon ang mas mahirap at hindi siguradong pamimilian. Hindi ko maaatim na piliin ang 2nd best para lamang hindi mapahiya at maiangat ang pansariling interes.
Walang kadakilaang naaabot ang hindi marunong sumubok, ang hindi marunong magtaya, ang parating takot, ang hindi nagpapakatotoo.
Ang mensahe ko sa inyong lahat mula sa sabay na nakakaaliw at nakakapag-init ng dugo na palabas na ito: gawin ninyo ang tinatawag ng inyong pagkatao. Lundagin mo, baby!
*** spat out from the mind of Rachelle @ 2:23 AM

