-----------------------------------
Ruffa Gutierrez sa isyu ng paghihiwalay nila ni Ylmaz. Pagbasag ng katahimikan ukol sa naranasang pananakit at ang pagtatapos ng isang pag-ibig...
Dra. Vicky Belo at Rosanna Roces sa tunggalian nila sa korte sa kaso ng libelo...
Gov. Vilma Santos, ang bagong halal na lider ng Batangas, sa kanyang selebrasyon ng pagkakapanalo sa harap ng pagkakatalo naman ng kanyang kabiyak...
Gretchen Barretto sa mga larawang kalat na kalat na sa internet at nag-uugnay sa kanila ni John Estrada...
Kris Aquino sa pagbangon nila ni James Yap mula sa mga problema at pagbabalik-trabaho matapos manganak...
-----------------------------------
Ang mga iyan ang talaga namang nakakapukaw-atensyon na intriga sa THE BUZZ noong nakaraang Linggo.
Siguradong nagpiyesta ang mga chismoso at chismosa dahil malaman ang mga kwento. Kung maski nga ako na mahilig man sa showbiz ngunit hindi pabor sa chismis (tungkol sa kahit na kanino) ay napapanood na rin para marinig ang kanilang istorya, ano pa kaya sa iba?
Iba't iba ang kanilang mga emosyon. Mayroong masaya, malungkot, umiibig, nasaktan, nanalo, natalo, atbp. At iba-iba ang reaksyon ng taongbayan sa kanila, mayroong positibo at mayroong negatibo.
Habang pinapakinggan ko ang mga panayam sa kanila, hindi ko mapigilang makibahagi sa kanilang mga dinaranas. Hindi ko makakaila ang respeto ko para sa mga Ebang ito na gusto man natin sila o hindi, gaano man kabigat ang mga hinaharap nila, at kesyo may rason sila o nakagawa ng kamalian -- sila ay nagpapakatotoo sa kanilang sarili. Walang takot ipahayag ang iniisip. Binubuksan ang puso at inilalatag iyon ng walang pasintabi. Ipinapakita ang kanilang pagkatao ng walang bahid ng pagkukunyari. At lahat ng iyan sa kabila ng mga matang mapangwari, mga nakataas na kilay, mga tengang sinasala lamang ang pinakikinggan, at mga bibig na kayraming sinasabi.
Sa tuwing may isyu kasi (kahit maliit o malaki) at mayroong mga taong nalalagay sa alanganing posisyon ("in the limelight for public scrutiny," bansag nga nila sa Hollywood), parang napakadali sa mga ordinaryong taong nanonood at nakikinig para manghusga. Aminin! Madalas nang hindi naman isinasaalang-alang ang nararamdaman ng paksa ng kutya... Madalas bagaman hindi nalalaman ang buong katotohanan sa personal na buhay nila... Madalas na wala namang nagaganap na pananalamin sa mga sariling kamalian at kakulangan bago magbitiw ng opinyon sa salita't kilos ng iba...
Sumagi tuloy sa isip ko na hindi man patas para sa mga "nasasakdal" ang walang-prenong panghuhusga ay baka hindi naman sila ang dapat kaawaan.
Higit na nakakaawa ang mga taong nabubuhay sa sariling mundo hiwalay sa realidad ng masaya at masaklap na katangian ng buhay. Higit na nakakaawa ang mga taong nakakakuha ng pansamantalang dibersyon sa chismis upang punan ang mga sarili nilang kawalan. Higit na nakakaawa ang mga taong hindi nagpapasan ng krus para matuto at mahanap ang sarili.
At paniwala ko rin naman na para sa mga nasasakdal -- kesyo sa pormal na korte, sa makinarya ng media, o kahit sa mga simpleng bulong-bulungan -- matapos ang lahat ng masasabi laban sa kanila, ang sariling paninindigan naman nila sa kanilang batid na katotohanan ang mahalaga.
-----------------------------------
Ito na lamang ang maibibigay kong mensahe:
SA MGA NANANAKDAL: Maaaring para sa inyo ang chismis ay pawang katuwaan lamang. Subalit ito ay seryosong hamon sa buhay ng iba. Para sa akin, kung hindi mo kayang tumulong sa iyong kapwa, ang pinakamagagawa mo na lang ay huwag nang mag-isip at/o gumawa pa nang ikasasakit o ikalalala nila.
SA MGA NASASAKDAL: Ipagpatuloy mo lang ang iyong paglaban! Hindi tayo pinalaking mabuti ng ating mga magulang para tapak-tapakan lang ng iba. Ikatuwa ang iyong kabutihan, pagsisiha't itama ang iyong kamalian, at basta punuin ng kaayusan ang iyong buhay.
Ang personal kong "guideline" kapag nalilito kung ano ang dapat gawin: Know your truth. Face your truth. Live your truth. (Alamin, harapin, at isabuhay ang iyong katotohanan.)
-----------------------------------
*** spat out from the mind of Rachelle @ 5:50 PM

