Sa wakas ay natapos na rin ang pinakaaabangang pagwawakas ng
Sana'y Wala Nang Wakas. Hehe... Nakakatuwa ang laro ng salita. :P
Ang nanalong pares ay sina Ara at Christian, ang orihinal na magkatambal sa telenovela. Kung sabagay, medyo halata na rin na sila ang magkakatuluyan. Nung isang linggo pa lang ay lumihis na ang istorya na pabor sa kanilang dalawa bukod pa sa sila talaga ang nangunguna sa botohan. Nagbibigay ng vote updates buong araw at nung pinakita yung statistics eh medyo obvious na mananalo sila kasi malayo na yung Ara at Leo tandem. Siguro nga ay marami talaga ang dikit pa rin sa ideya ng tambalang Jerico at Kristine.
Ok lang. Bagay naman ang naganap. Akma ito sa talagang tema. Maganda rin ang pagkakagawa kahit na sa totoo lang ay medyo nabitin ako. Sa aking pananaw, mayroong ilang loose ends na sana ay tinagpi pa. Mayroong mga eksena na sana ay mas mahaba. Pwede pa sanang mas ayusin ang pag-arte ni Kristine Hermosa dahil sorry sa mga fans niya pero maganda lang siyang tingnan sa screen. Hindi siya affecting sa anumang paraan. Marami lang talaga akong napuna na sayang. Siguro mahirap talaga para sa direktor dahil sinagad nga ng buwakaw na istasyon ang pagpapaboto. Kinailangang ipasok lahat sa isang episode. Pero sa pangkahalatan, ayos naman. Ang ganda nung kasalan scene sa dulo. Artistic ang pagsasabay sa pagkanta ni Mary Anne at ang pagtakas ng tatlo. Mabuti at hindi ipinilit na itambal pa ang natira. Isang magandang pagwawakas para sa isang magandang kwento.
Nakakatawa nga kami dito sa dorm eh. Nung sumigaw si Ate Nina na magsisimula na, lahat kami sa itaas (ako, si Paula, at si Leah) nagtakbuhan pababa. Si Paula na Ara-Christian fan naiyak sa tuwa. Natatawa nga ako eh. Halos makabuo na ng dagat sa sala. :) Si Leah naman Ara-Leo dahil gusto niya si Diether. Ayun, nagmamaktol. At natalo pa sa pustahan. Hehe... Ako, Christian-Mary Ann at Ara-Leo ang gusto ko pero wala na talaga eh.
Napag-isip-isip ko nga, iba talaga ang kultura nating mga Pilipino. Ang masa, masyadong fanatic at emosyonal. Alam kong wala namang masamang intensyon ang mga tagasubaybay. Dapat pa nga silang pasalamatan dahil sila ang dahilan ng tagumpay ng mga palabas at ng career ng mga artista. Kaya nga lang, minsan ay parang masyado nating pinapangunahan ang hakbang ng mga tao sa showbiz, itinuturing sila bilang pag-aari, ipinipilit ang gusto natin. Mayroong mga hindi talaga makawala sa ideya ng dalawang magkapares kahit na kunyari na lang talaga, sa kamera na lang talaga ang relasyon. Siguro may karapatan nga ang publiko na magsabi ng gusto nila dahil gaya ng nabanggit na, sila ang siyang nanonood. Subalit, sa aking palagay, hindi ito dapat umabot sa lebel na masyado nang sineseryoso at dinidibdib. Tao rin ang mga artista. Ang mundo ay bilog at patuloy na umiikot. Ang buhay at ang tadhana ay mapaglaro. Dapat galangin naman natin iyon. Manood at tumangkilik pero huwag kakalimutang mag-isip at magbigay respeto.
*** spat out from the mind of Rachelle @ 12:20 AM

